Wala si KC sa rali. Hindi mga artista ang sikat dun sa Ayala. Ang winner sa matagumpay na rali ay ang libu-libong taong kumilos para sa katotohanan at panawagang umalis na si GMA sa Malacanang. Sabi ng mga raliyista bago mag-uwian, maghanda pa sa mas malalaking rali sa darating na mga araw.
E bakit naman kasi napasok si KC sa usapan? Ipinalabas na kasi ang Maalaala Mo Kaya episode niya. Bago mapanood ang Bandila para makita ang balita tungkol sa rali, pinanood muna namin ang unang pagdadrama ni KC sa telebisyon.
Hindi namin kami napasigaw ng “Sobra na, Tama na, Palitan na ang channel!”. Bagama’t may ilang beses din kaming sumilip sa katapat na programang Bubble Gang. Kahit kasi sa mga commercial si KC pa rin ang nakikita namin!
Mabilis tumulo ang luha sa mga mata ni KC pero hindi nagsasalita ang mga ito. Hindi malalim ang mga emosyong ipinakita ng panganay ni Ate Shawie. May mga ilang beses ding hysterical siya kasabay pa ang pagsasalita niyang parang may tono. Nagdadrama na siya pero naririnig mo yung narration niya sa mga adventures niya sa Paris sa kanyang TV special.
Pero di hamak namang mas may dating ang pag-arte niya kaysa sa nanay niya doon sa mga unang pelikula nitong Dear Heart o P.S. I Love You. At lalong di hamak na mas maganda ang mukha niya kaysa kay Ate Shawie.
Malamang mataas ang rating ng episode na ito ng Maalala mo Kaya. Marami kasi ang nag-aabang na mapanood ang pag-arte ni KC sa telebisyon. Much-awaited ika nga. Huhusgahan kasi ng mga manonood kung may ibubuga ba ang dalaga ni Ate Shawie sa larangan ng pag-arte. At para sa akin, may potential si KC at dapat abangan ang susunod na mga mangyayari sa kanyang career.
Ganun din ang rali sa Ayala kanina. Unang ratsada pa lang ito. Marami pang mga mangyayari sa susunod na mga araw. Tulad na lang ng Senate hearing sa Lunes. Much-awaited din ang mga malalantad pa tungkol sa maanomalyang ZTE deal. Sa mga darating na araw, lalong mabubuo ang kapasyahan ng taumbayan sa career ni Gloria Macapagal Arroyo bilang presidente. Kaya’t dapat abangan ni Gloria ang papalaking mga rali na magpapabagsak sa kanyang career at magpapatigil sa kanyang pangungarakot sa salapi ng bayan.


ahehe.. may potential si KC, kelangan lang nya idevelop eto