Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

ABALOS : BUKOL KING

abalos.jpg

Nasubaybayan ko ang testimonya ni Jun Lozada kanina sa Senado. Siya yung star witness dun sa ZTE scandal na sangkot ang malalaking personalidad sa gubyerno tulad nina Abalos, Neri at First Gentleman Mike Arroyo. Tama si Sen. Chiz, credible ang dating ni Lozada. Kahit inungkat pa ni Sen. Miriam ang mga baho niya sa kumpanya — hindi dumaan sa bidding ang mga programs,etc. — nakangiti at kalmado pa rin si Lozada. Pucha, e si Chavit Singson nga, gambling lord na warlord pa, naging whistle blower sa pangungarakot ni Erap at yung testimonya niya ang isa sa mga naging mitsa sa pagdagsa ng taumbayan sa EDSA2!

Walang dudang si Abalos ang nadiin kanina sa testimonya ni Lozada. $130 M ang kickback na tinatrabaho ni Abalos sa ZTE-NBN project. Hindi kasi siya sumunod sa payo ni Lozada na hindi pwede yung ganoong kalaki at masyadong bubukol. O di ano? Hindi lang bukol ang napala ni Chairman. Lagapak siya nang binitawan na siya ng Malacanang. Ang habol na lang naman talaga ng Malacanang ngayon ay makonsentra ang bira kay Abalos at maligtas na ang palasyo lalo na sina FG at GMA.

Kaya lang marumi talagang magtrabaho ang Malacanang. Mga kidnappers, wiretappers, at sinungaling sila! Sasapat na ang testimonya ni Lozada para ipaliwanag ito. Pilit nilang inilalayo ang baho sa Malacanang pero dahil sa bulok at maruruming diskarte nila, sila rin ang nagbabalik ng baho papunta sa palasyo. Hindi ko masisisi si Lozada na maiyak sa gitna ng pagsasalita niya. Ibig sabihin lang nito, kilala niya ang gobyernong kinakalaban niya ngayon.  Gobyerno itong kayang lustayin ang kaban ng bayan at kayang takutin, dukutin at patayin ang mga taong hahadlang sa kanilang pagnanakaw at pananatili sa pusisyon para lalo pang makapagnakaw.

Kung ako si Abalos, huwag kang papayag na ikaw lang ang malaglag at mabukulan. Sa pag-alagwa ng mga pangyayari, ang tanging solusyon ng Malacanang para makatakas sa malaking gusot na ito ay isalang ka hanggang sa mapurasahan. Di hamak na mas kaya kang isakripisyo ni GMA kaysa kay FG at lalung-lalo na ang kanyang sarili. Laglagan na ito! Totoong hindi na mabubura ang pagiging “bukol king” ni Abalos pagkatapos ng lahat ng ito. Pero medyo liliit ang bukol kung pipiliin niyang isiwalat ang iba pa nilang naging proyekto ng Malacanang habang siya ang COMELEC Chairman.

Hello Abalos ? Gets mo?

garci.jpg

tnx!

Salamat sa pagbisita.

Para ‘yan sa unang bisita ko mula sa wordpress pinoy.  Nagregister ako kahapon at nagpost ng message dun sa forum para sa mga baguhan.

Pasok lang.  Hindi pa nga lang ako masyado marunong mag-ayos ng blog.

 

jdv.jpg

Naulinigan ko nung isang araw sa balita na ipinanganak si Jose De Venacia sa year of the rat. Saktong-sakto! Natumbok mo! Hindi lang sa mga tengang dagang taglay niya umeksakto kundi sentro siya ng usap-usapan ngayon. Ang pagkakapatalsik sa kanya bilang House Speaker ang bumulaga sa pagpasok ng Year of the Rat.

Pesteng daga! Sabi ng matatanda, huwag mo raw mumurahin ang mga daga at matalino raw ang mga iyan. Tuso pa nga raw. Ibig sabihin, wag mo silang sasalingin at matinding ganti ang ibabalik nila sa iyo. Lagot ang mga damit mo sa aparador- sisirain ng mga daga kapag minura mo sila. Sabi rin ng matatanda, tiyakin mong mapapatay mo ang daga. Dahil kapag nakawala pa yan at hindi mo natuluyan, lagot ka sa resbak niya.

 

 

Matakot si Gloria at ang kanyang pamilya sa pamahiing ito ng matatanda tungkol sa mga daga. Hindi lang kasi mga dagang pesteng tulad ni JDV ang sinaling niya. Para sa maraming taong nabubuhay ngayong parang daga sa hirap ng buhay, isa siyang malaking pesteng dapat nang mawala!

 

boya.jpg

Marangal lang talaga si Boy Abunda. Sa bangayan nina Jessa at Rufa Mae kanina sa dalawang showbiz talk shows, ang nag-shine lang talaga para sa akin ay si Boy.

Manager siya ni Rufa Mae na inaaway at sinisiraan ni Jessa on air pero marangal pa rin si Boy. Siyempre anuman ang ilalantad na baho ni Jessa kay Rufa Mae tiyak may epekto sa karir ng alaga niya. Pero ayun si Boy iniinterbyu pa rin si Jessa in all objectivity. Bagama’t medyo halata ring careful siya sa mga tanong kay Jessa at nasesense din naman ang kanyang kaba pero overall impact ay marangal pa rin siya.

Tingin ko nga ang payo niya kay Rufa Mae ay stick to the line na “story of my life” mode. Nagawa naman ito ni Rufa Mae kaya medyo naitawid niya ang interbyu sa kanya kanina. Pasalamat siya at may manager siyang tulad ni Boy.

Ang chaka lang talaga ng moda ng mga nagbabangayan na bahala na lang ang publikong maghusga kung sino ang nagsasabi ng totoo sa kanilang dalawa. Naku, hindi yan ang mahalaga sa mga tao. Inaaliw niyo ang mga manonood sa mga bangayan ninyo pero in the end hindi sila magpapasya kung sino sa inyo ang mas honest. Ang nakikinabang lang dito ay ang mga big networks kung saan ineere ang mga bangayan ninyo.

Pero balik tayo sa pagiging marangal ni Tito Boy. Ayan natawag ko na siyang Tito sa sobrang pangungumbinsi ko sa sarili kong marangal siya kahit araw-araw niyang kasama si Kris Aquino at kung anu-ano na lang ang ineendorse niyang produkto. Actually, yan ang kakaiba sa kanya. Kahit kanino mo siya idikit, lulutang pa rin ang pagiging marangal niya. Sa totoo lang, mas magaling siyang mag-manage ng karir niya kaysa ng mga karir ng alaga niya.

Sa mga showbiz mode na taong aware na walang kwenta ang tulad nina Cristy Fermin, blessing ang presence ni Boy. Daring yung alternatibong ibinigay ng GMA-7 nang gawin nilang talkshow host si Joey de Leon – prangka, sinsero sa mga komento na may wit pero walang dangal ang dating niya sa mga manonood. Tsismosong bastos at taklesa si Joey habang si Tito Boy naman ay tsismosong may dangal.

Hindi ako presidente ng fans club ni Tito Boy [talagang pinanindigan ko na ang Tito]. Marami-rami rin namang pagkakataong hindi ko bet ang pagiging pa-in depth mode ng interbyu niya. Yun bang award sa kanyang mapaiyak yung iniinterbyu niya. Masasabi ko lang talagang mabuting nariyan siya kaysa naman sina Cristy Fermin, Lolit Solis [ mga haragan at walang dangal na showbiz reporter], Pia Guanio, Mo Twister [ mga nagpapanggap na intrigero pero parang diring-diri sa ginagawa nila ] ang matitiyempuhan ko sa mga Sabado’t Linggong may pagkakataon akong magpaka showbiz mode.

Maalaala mo kaya?

bukasluluhod.jpg

 

Bibilib ka rin sa sarili mo na makaraan ang halos 20 taon, matatandaan mo ang mga eksena sa isang pelikula. Hindi mo na nga lang siguro matatandaan kung ilang taon ka nung pinanood mo ito o kung sino ang kasama at saan niyo ito napanood. Pero kakaiba lang talaga at natatandaan mo ang mga dayalog, sino ang mga karakter at ano ang mga mangyayari sa pelikula.

Solid fan ka nga lang ba nung bida sa pelikula o talagang mahusay ang scriptwriter at nakatatak sa utak mo ang mga sasabihin ng bida? Susugod ang ama-amahan ng bida sa bahay ng mayamang pamilyang nang-aapi sa kanila at ipapalapa siya sa aso. Titingin ang bida sa bintana nila, nakatanaw sa mala-palasyong bahay ng nang-aaping pamilya at isusumpang darating ang araw at bukas luluhod ang mga tala.

Kanina sa cable, habang nagtitiklop ako ng mga damit na buong araw kong nilabhan, napanood ko ang lumang pelikula ni Sharon. As in luma talaga kasi, may eksenang nakasuot pa ng bathing suit si Sharon. Parang imposible na yung mangyari ngayon o kahit nung mga nakaraang taon.

Sa pagkakatanda ko, itong “Bukas Luluhod ang mga Tala” ang unang pelikulang ginawa ni Sharon na seryoso. Sa showbiz lingo, ito yung nagpagradweyt sa kanya sa mga tweetums na role. Gumradweyt man sya sa pagkatweetums ng Dear Heart, My Only Love at P. S. I Love You, dito naman yata nagsimula ang sunud-sunod niyang pelikula na singer siya at sangkatutak ang eksenang kumakanta siya sa club at concert stage. Yayaman siya dahil magiging sikat siyang singer at artista.

Hindi naman ako magtatangkang irebyu ang pelikulang ito dahil bukod sa napakaluma na nito, wala naman talaga akong balak. Naaliw lang ako at natatandaan ko ang mga eksena pati mga kanta rito ni Sharon ay nasabayan ko.

Hindi ako magtatakang isang araw, may bagong version na ang GMA-7 sa pelikulang ito ni Sharon. Di ba yun ang pinagkakaabalahan nila ngayon? Ang irevive ang mga pelikula ni Sharon, isalang ang mga bago nilang binibuild up na artistang babae at ipackage na next Sharon Cuneta. Dapat tigilan na nila yun. Hindi sa walang papalit kay Sharon [ solid Sharonian ang tono ano?] kundi dahil hindi na angkop ngayon ang mga istorya ng mga pelikula ni Sharon noon. Bukod pa sa dapat ay humanap o gumawa na lang sila ng bagong materyales o istorya.

Nakatatak na yung mga pelikulang ito sa manonood. Aalalahanin nila ito na ang bida ay si Sharon na payat, ang nanay niya ay si Gina Pareno na OA umarte at ang mabait niyang ama-amaan na nilapa ng aso ay ang magaling na si Tommy Abuel. Mag-isip na lang dapat ng ibang kwento na pagkaraan ng 20 taon habang pinapanood ko ito at ang anak kong nagtitiklop ng malinis na damit ay matatandaan ko ang mga eksena at maaliw uli ako. Hindi ko lang sure kung maiblog ko pa yun.

COOL STRONG JUNO

 

junopix1.jpg Matagal-tagal na rin akong hindi nakakapanood ng pelikula. Walang panahong pumunta sa Quiapo, pangit ang cable sa bahay at syempre maraming trabaho. Buti na lang napadaan ako sa bilihan ng DVD minsang papauwi ako ng bahay. Sa ordinaryong pagkakataon, manghihinayang akong bumili ng DVD kung hindi rin lang sa Quiapo. Mabibili mo naman ng 3 for 100 sa Quiapo, bakit ka bibili ng tig-sesenta pesos na DVD sa iba. Pero gusto ko talagang manood ng pelikula, kung hindi man nung gabing yun, basta bumili ng DVD at hintayin ang araw/gabi na pwede akong manood.

JUNO ang nabili ko. Limang araw mula ng binili ko ang DVD tsaka ko pa lang ito napanood.

Nagustuhan ko ang pelikula. Magaan pero mabigat ang paksang tinatalakay. Disisais anyos lang si Juno nang mabuntis at magdesisyong ipaampon ang batang ipapanganak pa lang niya. Kakaiba di ba? Madalas kasi kapag may teenager sa pelikula, mala-High School Musical ang kwento. May inaaping bagong salta sa high school tapos maiinlove sa kanya yung most popular guy ng eskwelahan. Dito, si Juno iba – sa gitna ng mabigat na problemang kinakaharap niya, cool bagama’t minsan nagpapanic, pero matapang at marunong magdesisyon para sa sarili.

Dagdag na conflict pa sa istorya yung relasyon ng mag-asawang napili ni Juno na mag-aampon sa anak niya. Pinili ni Juno ang mag-asawa kasi gusto niya magkaroon ng buong pamilya ang anak niya na hindi niya kayang ibigay. Ang problema maghihiwalay rin pala ang mag-asawa.

Hanga ako kay Juno. Parang sa mabibigat na problemang dinadaanan niya, sandali lang siya makakaramdam ng trobol o pagkalito - iiyak niya ito, ihihinga ang sama ng loob sa kaibigan tapos haharapin na niya. Mabigat sa kanyang maghihiwalay yung mag-asawang aampon sa anak niya pero minahalaga niya ang katatagan, katapatan at kagustuhan ni Vanessa na magkaanak. Hindi mo aakalaing nauunawaan niya si Vanessa kasi mas madalas at sa takbo ng istorya mas nagkakaintindihan sila nung lalaki [asawa ni Vanessa, nakalimutan ko ang pangalan].

Mula sa teenage pregnancy, pag-aampon, pag-aasawa, relasyon ng anak at tatay at sige na nga true love ang pag-iisipan mo kapag napanood mo ang Juno. Isa pang inisip ko, ipapanood ko ba ito sa pamangkin kong teenager? Oo naman. Sana maappreciate niya ang pagiging matatag ni Juno sa maraming bagay. At higit sa lahat nagagawa ito ni Juno ng buong coolness.

HENYONG TUNAY

henyopix.jpg

Math wizard ang kababata kong si Anne. Bata pa lang kami hanga na ako sa kanya dahil sa bilis niyang mag-add at mag-subtract. Minsan habang papasok kami sa klase tinanong ko siya kung paano nga ba siya naging magaling sa Math.

” Paglalaro ng 13* yan sa baraha at maagang nasabak sa pagsusukli sa tindahan namin.” Nagulat ako at lalo pang humanga sa kanya. Inaasahan ko kasing libro at mga flashcards ang isasagot ni Anne na mga dahilan sa kanyang husay sa Math. Hindi pala.

Mula noon, marami-rami na rin akong nakilalang tulad ni Anne na maituturing kong tunay na mga henyo. Matalino sila dahil kaya nilang paunlarin ang kaalaman batay sa sariling pag-aaral at paggamit nito sa araw-araw na buhay. May pagpapahalaga sa pag-aaral at pananaliksik pero kayang-kayang pasimplehin at gamitin sa mga bagay na may kabuluhan sa nakararami.

Naalala ko si Anne habang binabasa ko ang iba’t ibang datos na ipinagmamalaki ngayon ng gobyerno tungkol sa paglago ng ating ekonomiya, mababang implasyon, sumisirit na stock market at iba pa. Tiyak mga dalubhasang ekonomista ang nagsuri at nagsaliksik ng mga datos na ito.

Kung tutuusin, mahirap ang Math pero naging madali itong unawain ni Anne dahil nakita niya ang saysay nito sa araw-araw na pagsusukli sa tindahan. Maraming dapat alamin sa pagsusuri ng ekonomiya ng isang bansa pero madali rin itong maunawaan ng taumbayan kung ito ay nagsasabi ng katotohanan. May saysay lamang ang mga datos ng pag-unlad ng ekonomiya kung nararanasan ito ng taumbayan sa araw-araw nilang pamumuhay.

Hindi maloloko ang taumbayan ng kung anu-anong mga datos na ipinagmamalaki ng gobyerno. Matalino ang mamamayan dahil hawak nila ang katotohanan, mga karanasan nila ang patunay. Ang totoo, gutom at naghihirap ang sambayanang Pilipino.

Mas lalo akong bilib sa kababata kong math wizard ngayon. Hindi na lang dahil sa husay niya sa pag-add at pag-subtract kundi dahil pinili niyang iaalay ang kanyang talino para sa pagpaparami ng mga nakikibaka para sa katarungan at pagkakapantay-pantay ng ating lipunan.

* parang solitaire na laro sa baraha, uubusin mo ang mga baraha sa pamamagitan ng pagkuha ng mga addends ng 13 (hal, 9&4, 5&8, 6&7, etc)

 

Blues ni Ganja #1

Bawat kanta may kwento. At hindi iisang kwento lang. Maraming kayang likhain, ibalik at minsan burahing kwento ang isang kanta.

Kapag madalas mong napapakinggan ang isang kanta, nawawalan na ito ng kwenta. Ito yung last song syndrome na pilit mong tinatanggal. Pero kapag matagal mong hindi napakinggan ang isang kanta, kakaiba yung feeling na kaya mo pa rin itong sabayan. Sa malamang bukod sa lagi mo itong kinakanta noon, tyak maraming kwento sa likod nito.

Kakaiba raw ako tumanda ng isang kanta. Hindi tono ang susi para maalala ko ito. Lyrics ang mapagpasya. Pero sa totoo lang, bukod sa lyrics at tono na rin kahit papaano, mga kwento ang nakakapagpaalala sa akin ng isang kanta. May kwento ang mga kanta sa akin.

Habang nagdadownload ako ng mga kanta, hindi lang title o artist ang iniisip ko. Ano na nga ba yung kantang ito?

Song/Download # 1 : Habang nasa taxi kami, nirequest namin sa drayber na isaksak na lang ang casette tape na dala namin. Pumayag naman si manong at enjoy kami sa buong byahe. Hanggang makarating kami sa bahay at malaman naming naiwan namin sa taxi ni manong yung tape.

murmurs_1.jpg

Song/Download #2 : Una at huling kantang natugtog ko nang buo sa gitara. Masaya dahil kahit tamang strumming ay medyo natutunan ko. Kaya kong maging gitarista kapag ito ang kanta.

lizphair.jpg

Song/Download # 3 : Sa haba ng title ng kantang ito, hindi ko talaga matatandaan. Basta alam ko ito yung tugtugang patok nung kolehiyo ako. Madalas kong naririnig itong malakas na pinapatugtog sa boys’ wing. May sumasabay pang kaboses mismo nung bokalista ng bandang ito.

pjam.jpg

Ang tagal ko nang hindi narinig ng tatlong kantang yan. Hindi naman talaga nakakagulat na kaya pang sabayan ang isang kanta kahit matagal nang hindi napakinggan. Pero ang nakakagulat malinaw pa rin ang mga kwento ng bawat kantang yan sa isip ko. Hindi ko na nakikita o nakakasama ang ilan sa mga karakter ng kwento, yung kasama ko sa taxi o yung bokalista sa boys’wing o kahit yung kumakanta habang naggigitara ako. Pero sa tuwing mapapakinggan ko ang mga kantang yan, tyak kasabay ng pagkanta ko ang pag-alala ko sa mga kwentong nabuo ko kasama sila.

Marami pang kanta ang may kwento ako. Marami-rami pa akong dapat idownload.

kaasintahan

tara! sama na sa pag-asinta.  idilat ang mga mata.  sipatin at wag kukurap.  bawal ang may kaba’t takot.  hinga nang malalim.  simulan na.  sulat na.   

« Mas Bagong Mga Paskil